Marami akong nabalitaan, nakilala, nakausap, iisa ang
dahilan ng buhay, iisa lang ang hanap: Pag-ibig.
Isang ina na may limang anak, iniwan ng asawa; Anak na nalamang
siya’y ampon lang; Rebeldeng anak na produkto ng pamilyang wasak; Kabataang
nasira ang buhay dahil sa bisyo at drugs; Dalagang ina; Batang ama; Naging
bakla o tomboy dahil sa masamang karanasan; Lalaking papalit palit ng
ka-relasyon; Babaeng dumaan sa surgery, nagpa-opera, gumastos ng malaki para
maging maganda; Breadwinner nakulong dahil sa pagnanakaw bunga ng kahirapan; Magulang
na lumipad at namasukan sa ibang bansa; Panganay na anak na kahit anong trabaho
ay nasubukan na; Matalinong anak na nagsisikap sa pag-aaral para makahakot ng
medalya; Anak na umaasang mabuo ang pamilya kahit imposible pa. Ito’y marami sa
mga taong hinayaan ng Diyos na makilala ko, makausap, at matulungan kahit sa
panalangin. Kung iisipin, talaga namang ang ilan sa kanila ay masidhi ang napagdaanan
at mga nasubukan. Sa totoo lang, isa lang naman ang dahilan ng bawat nilang
kalagayan. Isa lang ang nais o hanap nila: Pag-ibig. Kaya naman sa ngalan ng
pag-ibig lahat ay kayang subukan, lahat ay kayang pasukan. Lahat ay kayang
gawin upang matanggap at mahalin. Ngunit kapag masyado kang mataas at may
iniingatang kang pangalan mahirap aminin na ikaw din ay nangangailangan. Kaya
nga madalas may mga tao tayong tinitiis o mga sitwasyon na pinipilit kayanin
kahit mahirapan o masaktan pa tayo. Nakakapagod, hindi ba? Kinukulong tayo nito
sa isang lugar na hindi natin gusto. Napipilitan tayong gawin ang mga bagay na
hindi natin lubos maisip na magagawa natin. Ito ba ang sinasabing kalooban ng
Diyos? Na ikaw ay mapahamak, masaktan, mahirapan, mapahiya, malugmok sa kalungkutan, o magkasala? Marahil ang iba sa
atin, hindi maiwasang magtampo o magalit sa Diyos. Nagdududa kung siya ba ay
totoo at kung siya man ay totoo ang tanong ay, “Nasaan ka?” Tayo ay tao lamang.
Dumadating talaga ang mga ganitong pagkakataon na ang ating lakas ay nasusubok.
Ang Diyos nga mismo ay lubos na nalalaman na tayong mga tao ay limitado,
mahina, at hindi sapat ang kakayahan. Katulad ng bulaklak na nalanta at hindi
nagtagal ay namatay o nawala, ganito rin tayong mga tao. Kaya nga lubos niya
tayong naiintindahan at walang hanggan ang kanyang pang-unawa sa atin.
Nakakatawang isipin dahil kahit gano natin piliting hanapin
ang pag-ibig at pagtanggap mula sa ating pamilya, kaibigan, o kaagapay sa
buhay, ay limitado lang ang kaya nilang ibigay. Sapagkat katulad mo rin sila,
limitado, hindi ba? Hindi mo naman kayang magpagaling ng pusong sugatan o
magbura ng pangit na karanasan. Lalong hindi mo kayang magbigay ng bagong buhay
o sariwang panimula. May magandang balita! Hindi man natin o ng ating mga mahal
sa buhay kayang ibigay ang mga ito, mayroon tayong matatakbuhan na higit pa sa
mga nasabi ang kayang ipagkaloob! Tanggalin mo na ang pagdududa na hindi ka
Niya mahal o hindi Siya interesado sa pinagdadaanan mo. Higit kanino pa man,
nais Niyang makialam sa buhay mo, kung Siya ay hahayaan mo.
Kung may hihigit pa sa salitang perpekto, ganon ang pag-ibig
na kayang ibigay sa atin ng Diyos. Ito ang pag-ibig na hindi mo na kailangan
hanapin dahil hindi ka pa ipinapanganak, inaabangan ka na nito. Ito ang
pag-ibig na hindi ka kailanman sasaktan. Ito ang pag-ibig na kahit saan, kahit
kailan ay maaari mong asahan , takbuhan, at taguan. Ito ang pag-ibig na hindi
marunong magkamali. Kaya kung sa tingin mo ang buhay mo ay magulo, sira, o
bulok may dahilan ka pa din para magsaya. Sapagkat hindi man perpekto ang lahat
sayo, maipagyayabang mo naman ang pagiging perpekto ng Diyos sa buhay mo.
May mga bagay na marahil ay hindi na posibleng maayos, o may
mga tao tayong nasaktan o nakasakit sa atin na hindi na natin muling makikita,
ngunit ang Diyos ay kaya tayong bigyan ng bagong buhay at simula. Kaya niyang
ayusin ang lahat lahat sa atin. Kung pipiliin nating sa mga oras na ito ay
tanggapin ang perpektong pag-ibig ng Diyos, babaguhin nito ang ating mga puso
at isipan hanggang sa tayo ay mabuhay ng malaya mula sa masakit at pangit nakaraan.
Kusang gagaling ang bawat sugat sa ating puso at ang pagpapatawad ay hindi
magiging mahirap na gawin. Kalayaan ang nais ibigay ng Diyos sa atin sapagkat
matagal na matagal na panahon ng binayaran ni Hesus sa pamamagitan ng krus ang
kalayaan na pilit inaagaw ng nakaraan mo o ng kasalanan. Papayag ka bang habang
buhay kang malugmok sa kasinungalingang wala ka ng pag-asa? O wala ng magandang
bagay na mangyayari sayo? O wala ng magmamahal sayo? Nabasa mo ito ngayon para
ipaabot sayong, ikaw ay mahalaga sa Diyos, ikaw ay lubos niyang minamahal. Ikaw
ay nakikita niya at binibilang niya ang bawat mong luha. Naririnig niya ang
bawat mong hinaing at handa ka niyang saklolohan kung lalapit ka sa kanya.
Naghahanap ka ng magmamahal sayo pero wala kang makita? Pwes,
ngayong oras na ito, natagpuan mo na Siya! Simulan mo na ang magandang relasyon
sa KANYA! J
Paano?
Tanggapin mo SIYA sa puso mo. Kilalanin mong siya ay Diyos
at sa kanya nagmula ang lahat ng bagay. Sa pamamagitan ni Hesus na ibinigay
Niya bilang kapalit ng ating kalayaan at kapatawaran sa kasalanan hilingin mong
baguhin niya ang puso mo at bigyan ka niya ng bagong buhay at simula.
Kung sasabihin mo ito sa kanya, makakaramdam ka ng
naguumapaw na kaligayahan at gagaan ang kabigatan na nasa puso mo. Subukan mo!
…………….Ayos di ba? :D
Diana Rose Gacila |