Wednesday 31 October 2012

Pag-Ibig ba ang hanap mo? by Diana Rose Gacila








Marami akong nabalitaan, nakilala, nakausap, iisa ang dahilan ng buhay, iisa lang ang hanap: Pag-ibig.

Isang ina na may limang anak, iniwan ng asawa; Anak na nalamang siya’y ampon lang; Rebeldeng anak na produkto ng pamilyang wasak; Kabataang nasira ang buhay dahil sa bisyo at drugs; Dalagang ina; Batang ama; Naging bakla o tomboy dahil sa masamang karanasan; Lalaking papalit palit ng ka-relasyon; Babaeng dumaan sa surgery, nagpa-opera, gumastos ng malaki para maging maganda; Breadwinner nakulong dahil sa pagnanakaw bunga ng kahirapan; Magulang na lumipad at namasukan sa ibang bansa; Panganay na anak na kahit anong trabaho ay nasubukan na; Matalinong anak na nagsisikap sa pag-aaral para makahakot ng medalya; Anak na umaasang mabuo ang pamilya kahit imposible pa. Ito’y marami sa mga taong hinayaan ng Diyos na makilala ko, makausap, at matulungan kahit sa panalangin. Kung iisipin, talaga namang ang ilan sa kanila ay masidhi ang napagdaanan at mga nasubukan. Sa totoo lang, isa lang naman ang dahilan ng bawat nilang kalagayan. Isa lang ang nais o hanap nila: Pag-ibig. Kaya naman sa ngalan ng pag-ibig lahat ay kayang subukan, lahat ay kayang pasukan. Lahat ay kayang gawin upang matanggap at mahalin. Ngunit kapag masyado kang mataas at may iniingatang kang pangalan mahirap aminin na ikaw din ay nangangailangan. Kaya nga madalas may mga tao tayong tinitiis o mga sitwasyon na pinipilit kayanin kahit mahirapan o masaktan pa tayo. Nakakapagod, hindi ba? Kinukulong tayo nito sa isang lugar na hindi natin gusto. Napipilitan tayong gawin ang mga bagay na hindi natin lubos maisip na magagawa natin. Ito ba ang sinasabing kalooban ng Diyos? Na ikaw ay mapahamak, masaktan, mahirapan, mapahiya, malugmok sa  kalungkutan, o magkasala? Marahil ang iba sa atin, hindi maiwasang magtampo o magalit sa Diyos. Nagdududa kung siya ba ay totoo at kung siya man ay totoo ang tanong ay, “Nasaan ka?” Tayo ay tao lamang. Dumadating talaga ang mga ganitong pagkakataon na ang ating lakas ay nasusubok. Ang Diyos nga mismo ay lubos na nalalaman na tayong mga tao ay limitado, mahina, at hindi sapat ang kakayahan. Katulad ng bulaklak na nalanta at hindi nagtagal ay namatay o nawala, ganito rin tayong mga tao. Kaya nga lubos niya tayong naiintindahan at walang hanggan ang kanyang pang-unawa sa atin.

Nakakatawang isipin dahil kahit gano natin piliting hanapin ang pag-ibig at pagtanggap mula sa ating pamilya, kaibigan, o kaagapay sa buhay, ay limitado lang ang kaya nilang ibigay. Sapagkat katulad mo rin sila, limitado, hindi ba? Hindi mo naman kayang magpagaling ng pusong sugatan o magbura ng pangit na karanasan. Lalong hindi mo kayang magbigay ng bagong buhay o sariwang panimula. May magandang balita! Hindi man natin o ng ating mga mahal sa buhay kayang ibigay ang mga ito, mayroon tayong matatakbuhan na higit pa sa mga nasabi ang kayang ipagkaloob! Tanggalin mo na ang pagdududa na hindi ka Niya mahal o hindi Siya interesado sa pinagdadaanan mo. Higit kanino pa man, nais Niyang makialam sa buhay mo, kung Siya ay hahayaan mo.

Kung may hihigit pa sa salitang perpekto, ganon ang pag-ibig na kayang ibigay sa atin ng Diyos. Ito ang pag-ibig na hindi mo na kailangan hanapin dahil hindi ka pa ipinapanganak, inaabangan ka na nito. Ito ang pag-ibig na hindi ka kailanman sasaktan. Ito ang pag-ibig na kahit saan, kahit kailan ay maaari mong asahan , takbuhan, at taguan. Ito ang pag-ibig na hindi marunong magkamali. Kaya kung sa tingin mo ang buhay mo ay magulo, sira, o bulok may dahilan ka pa din para magsaya. Sapagkat hindi man perpekto ang lahat sayo, maipagyayabang mo naman ang pagiging perpekto ng Diyos sa buhay mo.

May mga bagay na marahil ay hindi na posibleng maayos, o may mga tao tayong nasaktan o nakasakit sa atin na hindi na natin muling makikita, ngunit ang Diyos ay kaya tayong bigyan ng bagong buhay at simula. Kaya niyang ayusin ang lahat lahat sa atin. Kung pipiliin nating sa mga oras na ito ay tanggapin ang perpektong pag-ibig ng Diyos, babaguhin nito ang ating mga puso at isipan hanggang sa tayo ay mabuhay ng malaya mula sa masakit at pangit nakaraan. Kusang gagaling ang bawat sugat sa ating puso at ang pagpapatawad ay hindi magiging mahirap na gawin. Kalayaan ang nais ibigay ng Diyos sa atin sapagkat matagal na matagal na panahon ng binayaran ni Hesus sa pamamagitan ng krus ang kalayaan na pilit inaagaw ng nakaraan mo o ng kasalanan. Papayag ka bang habang buhay kang malugmok sa kasinungalingang wala ka ng pag-asa? O wala ng magandang bagay na mangyayari sayo? O wala ng magmamahal sayo? Nabasa mo ito ngayon para ipaabot sayong, ikaw ay mahalaga sa Diyos, ikaw ay lubos niyang minamahal. Ikaw ay nakikita niya at binibilang niya ang bawat mong luha. Naririnig niya ang bawat mong hinaing at handa ka niyang saklolohan kung lalapit ka sa kanya.

Naghahanap ka ng magmamahal sayo pero wala kang makita? Pwes, ngayong oras na ito, natagpuan mo na Siya! Simulan mo na ang magandang relasyon sa KANYA! J
Paano?

Tanggapin mo SIYA sa puso mo. Kilalanin mong siya ay Diyos at sa kanya nagmula ang lahat ng bagay. Sa pamamagitan ni Hesus na ibinigay Niya bilang kapalit ng ating kalayaan at kapatawaran sa kasalanan hilingin mong baguhin niya ang puso mo at bigyan ka niya ng bagong buhay at simula.
Kung sasabihin mo ito sa kanya, makakaramdam ka ng naguumapaw na kaligayahan at gagaan ang kabigatan  na nasa puso mo. Subukan mo!

…………….Ayos di ba? :D


Diana Rose Gacila

No comments:

Post a Comment